SIKHAYAN FESTIVAL 2016 Layon Pataasin ang Antas ng Turismo sa Bansa
LUNGSOD NG SANTA ROSA, LAGUNA – Sa ika-17 taon ng pagdiriwang ng Sikhayan Festival, layong itaguyod ang festival na ito sa buong bansa upang pataasin pa ang antas ng turismo sa lungsod, partikular ang bilang ng turistang bumibisita dito.
Ito ang naging pahayag ni Rebecca Labit, Regional Director ng Department of Tourism Region IV-A CALABARZON, sa pagdiriwang ng Sikhayan Festival noong Enero 18, 2016.
Binati rin ni Labit ang Lungsod sa pagkamit nito ng pagkilala sa pagdadala nito ng maraming turista sa rehiyon.
Noong Nobyembre 27, 2015 tinanggap ng lungsod ang pagkilala bilang 3rd Top Destination in Same-Day Visitor Arrival mula sa Department of Tourism Region IV-A CALABARZON noong taong 2014. Umabot sa 1,722,712 turista ang bumisita sa lungsod sa isang araw, pangatlong pinakamataas na tala sa CALABARZON.
Ganito rin ang naging pagbati ni Rosauro Sta. Maria, pinuno ng Laguna Tourism, Culture, Arts and Trades Office (LTCATO).
Mainit na tinanggap ni Mayor Arlene B. Arcillas, Vice Mayor Arnel Gomez at ng Sangguniang Panlungsod ang mga bisita. Dumalo upang maki-isa sa pagdiriwang sina Laguna Governor Ramil Hernandez, Laguna Vice Governor Katherine Agapay, Laguna First District Representative Dan Fernandez, Board Member Angelica Jones Alarva (3rd District), at Board Member Carlo Almoro (1st District).
Samantala malugod na ipinakilala ni Mayor Arlene B. Arcillas ang isa sa mga proud na taga-Santa Rosa at hindi nakalilimot sa kanyang pinagmulan. Si Richard Faulkerson o mas kilala ngayon bilang Alden Richards at pambansang bae ng isang programang pananghalian. Sandali niyang pinakilig ang mga kapwa taga-Santa Rosa sa pamamagitan ng pagkanta. Nagpasaya rin mga tao ang artistang si Gerald Anderson.
Parada
Tulad ng nakaraan, ang pagdiriwang ay pinasimulan sa pamamagitan ng parada na nilahukan ng iba’t ibang sektor sa lungsod. Ang streetdancing naman ay kinatampukan ng mga barangay ayon sa tema ng pagdiriwang ngayong taon ay “Sulong Kaunlaran! Hatid ng mga Sikhayan ng mga Barangay.”
Para sa taong ito, sampung (10) barangay ang lumahok tampok ang festival na ipinagdiriwang sa kani-kanilang barangay. Ang mga lumahok ay Barangay Balibago (Luklukan Festival), Barangay Dila (Taluktukan Festival), Barangay Pooc (Sto. Niño Festival), Barangay Ibaba (Balutan Festival), Barangay Sinalhan (Bilayakid Festival), Barangay Macabling (Uhayan Festival), Barangay Market Area (Kalayaan Festival), Barangay Malitlit (Maladyon Festival), Barangay Caingin (Sakaba Festival), at Barangay Aplaya (Salambaw Festival).
Ang mga nagwagi sa patimpalak ay ang mga sumusunod: Barangay Aplaya (4th place), Barangay Macabling (3rd place), Barangay Pooc (2nd place), Barangay Caingin (1st place). Ang Barangay Sinalhanang hinirang na champion.
Ang iba pang pagkilala ay ang Barangay Sinalhan (Best in Andas) at Barangay Caingin (Best in Costume).
Comments